Hindi biro ang dinaanan ng sangkatuhan bago makaabot sa kasalukuyang kalagayan. Dumaan tayo sa sarisaring pagsubok ng kalikasan para patunayan na tayo ang pinakadakilang nilikha sa sandaigdigan. Sa pagtatapos
ng Ice Age (mga 2-3 milyong taon na ang nakalilipas), nagwakas ang buhay ng maraming dambuhalang hayop sa kasaysayan ng lupa na sya namang nagluwal sa pamamayani ng tao (Tarbuck at Lutgens, 2003: 143). Ang tao ang nanatiling matatag. Ang tao ang karapat-dapat maghari sa lahat ng nilalang. Sa pamamagitan ng kakayahan ng hayop o tao na makiayon sa mga pagbabago ng kanyang kapaligiran upang mabuhay at ang mahina o hindi makasabay ay namamatay, pinalad ang tao na magpatuloy mamuhay. Higit itong kilala sa tawag na natural selection. Ito ay ang palaging pwersang pumipilit na pabutihin ang kaantasan ng mga uri ng specie sa isang matatag na kapaligiran, upang bigyan lalo ng kalamangan ang specie (Bawler 2003: 170-172).
Narito ngayon ang Bagong Tao o Modern Man mula sa mahabang ebolusyon ng Australopithecines, Pithecanthrophines at Neantherdals. 35,000 taon nang namamayani ang Makabagong tao (Brace, 1995).
Ang wika ay nananahan sa kaliwang bahagi ng ating utak. Kasama ng wika ay ang pagiging analitikal, mula-sa-malaki-tungo-sa-maliit, pagkakasunod-sunod, pagiging makatwiran, tutok sa
oras at pagpapaliban sa ginagawa (Hampden-Turner 1981, 86-89). Ngunit ang utak na ito ay dumaan sa mahabang proseso bago maging ganap na kaagapay ng tao sa pag-iral at pananatiling dominanteng nilalang sa ibabaw ng lupa.
Pinaniniwalaan na may bahagi ng utak ng taong nananatiling primitibo. Ito ay ang reptilian at paleomammalian (limbic) brain. Pinaniniwalaang sa reptillian brain naka-program ang instinct ng pagiging tao samantalang sa paleomammalian brain naman nakahimlay ang sarap at hirap na karanasan. Ang mga ito ang naging hanguan-impukan ng buhay at karanasan ng ebolusyon ng tao. Mula sa paghahanap ng pagkain, pang-aakit at iba pang primitibong karanasan ay sinasabing dito nakasalig. Ngunit ang mga utak na ito ay hindi pa sapat ang kakayahan upang isatinig sa isip ang kanilang naiisip o nararamdaman. Hanggang sa tuluyang malinang ang neocortex (neomammalian) brain (ibid, 80-83). Dito na nagtagni ang karanasan at iniisip ng tao. Dito na nagsimulang lapatan ng tao ng pangalan ang mga karanasang pinagdaraanan (tignan ang larawan).
Ang Ebolusyon ng Utak ng Tao
Ang ebolusyon ng utak ng tao batay sa aklat na Maps of the Mind (Charts and Concepts of the Mind and Its Labyrinths) ni Charles Hampden-Turner p. 81
Bagamat pinaniniwalaan na nasa kaliwang bahagi ng utak ng tao ang wika, hindi maikakaila na sangkot pa rin ang buong utak sa pagproseso ng impormasyon, mula sa pagdama at pagpapadala ng mensahe sa utak, proseso ng impormasyon at pagbubo ng konsepto dito (Pavek 1988, 113-114).
Ang Paghahati sa Utak ng Tao
Ang pinapalagay na paghahati sa utak ng tao at ang gampanin ng bawat panig batay sa aklat na Maps of the Mind (Charts and Concepts of the Mind and Its Labyrinths) ni Charles Hampden-Turner p. 87
Maaring sa simula, ang apoy ay isang mapang-akit na liwanag sa mga sinaunang tao. At sa kanilang paglapit ay may kakaiba silang naramdaman hatid ng pagbabago ng temperatura. At para sa reptillian brain: apoy=liwanag=init. Samantalang sa paleommalian brain ay: apoy=liwanag=init=ginhawa/hirap dulot ng apoy. At nang malinang nang husto ang neommalian brain ay apoy=liwanag=init=ginhawa/hirap dulot ng apoy=manipulasyon o kontrol ng apoy. Kung ganoon, ang apoy ay hindi lamang isang penomena ng kalikasan ngunit naging bahagi ng pang-araw-araw na karanasan ng tao. At ang salitang ‘apoy’ ay hindi lamang sagisag ng sumasagisag at sinasagisag (signified at signifier) ngunit bumabalot sa apoy ang isanlibo’t isang konsepto hatid ng indibidwal, etniko at pambansang karanasan. Gaya ng mga sumusunod na salita at parirala na kaugnay ng apoy (bilang penomena ng pagliliyab ng mga kemikal o elemento na makikita sa liwanag, dingas at init):
Dinilaan ng apoy- nasimulang magliyab
Naglaro ng apoy- pakikiapid o pangangalunya
Apoy ng impyerno- kaparusahan
Apoy sa dibdib- galit
Inaapoy ng lagnat- mataas na lagnat
Pinanday sa apoy- humusay
Inaapuyan-sulsol
Maging ang kasabihang “Ang kahoy na babad man sa tubig, pag nadarang sa apoy, pilit magririkit.” Na nangangahulugang ang taong kahit anong bait o timpi ay nahuhulog din kapag sa tukso naipit.
Napakahalaga ng papel ng wika upang maglarawan ito ng naging karanasan ng tao sa kanyang pagiging nilalang. Ipinakikita lamang nito ang drama ng kanyang pakikihamok sa iba’t ibang pwersang bayolohikal, pisikal at etikal. Kung susumahin, ang kasaysayan ng pag-unlad ng tao ay hindi maiaalis sa pagbakas sa pag-unlad ng kanyang utak at wika.
… (ang wika) ay tanging bahagi ng kabuuang bayolohikal ng ating utak. Masalimuot at espesyalisadong kasanayan ang wika na nalilinang nang ganoon… dahil dito, ilang cognitive psychologist ang naglarawan sa wika bilang isang sikolohikal na sangkap, isang mental na organ, isang sistemang neural, at isang kagamitan sa pagsusuma (Pinker 1994: 18).
Patunay lamang na ginagamit ng tao ang wika sa pagtuos nya sa mga penomena na nangyayari sa kanyang paligid. Patunay rin na kinatawan ng wika ang karanasan ng utak at katawan ng sangkatauhan.
Karanasan at Wika:
Indibidwal, Etniko at Pambansang Paglalarawan
Tinalakay ni John Searle, 1995 (Kay Gripaldo, 2000) ang dalawang uri ng karanasan: ang unang panauhan at ang ikatlong panauhan. Sa una, ang karanasang ontolohikal, ang kasangkot ay sumailalim o sumasailalim. Sya ang tagaganap o biktima ng karanasan. Sa ikatlong panauhang karanasang ontolohikal, pinapalitan ng indibidwal ang pananaw ng nagmamasid.
Sa una, mapapansin ang laging gamit ng ‘ako’/‘ko’ (indibidwal) o ‘tayo’/‘natin’ (pampangkatan) ng nagmamasid sa paglalahad ng karanasan. Ito ay tinatawag na karanasang penomenolohikal.
Sa ikatlo, ang ‘sya/nya’ o ‘sila’/‘nila’ ay madalas na gamitin. Ito ang tinatawag na karanasang empirikal.
Mas mabigat ang ‘ako’/’ko’ kesa sa ‘tayo’/’natin’ dahil posibleng hindi nararanasan ng lahat ang nararanasan ng naglalahad. Gayundin ang ikatlong ontolohikal na karanasan ay higit na kapani-paniwala kesa sa pampangkatang unang panauhang ontolohikal na karanasan.
At ang ikatlong karanasan ay ang ikalawang panauhang karanasan. Madalas marinig dito ang ‘ikaw’ at ‘mo.’
Ang mga uri ng ontolohikal na karanasang ito ay nag-uugnay-ugnay, nagkakawing-kawing at nagsasalimbayang penomena upang maglantad ng karanasan ng indibidwal, ng isang pangkat-etniko tungo sa pambansang karanasan.
Ang pahayag ng isang indibidwal na “Masakit ang tyan ko!” na bagamat eksklusibo lamang sa nagsasalita ang karanasan, hindi maaring hindi magawang makaugnay ng sinumang nakaririnig dahil marahil isa itong unibersal na karanasan. Gayundin ang “Tag-ulan na, kawawa na naman ang Pampanga sa lahar!” na bagamat sa Gitnang Luzon lamang ito nagaganap, nagagawa pa rin ng mga tagapagsalita na makaugnay dahil na sa naging bahagi na ng bokabularyong Filipino ang salitang ‘lahar’. Idagdag pa ang pagbaha ng mga larawan, balita at kontrobersiya na bumalot sa nasabing kalamidad. Ang pahayag na ”Nawiwili sya sa telenobela” na bagamat isang empirikal ay masasabing mahirap na itakwil na reyalidad na pambansang karanasan.
Walang pribadong wika o ang wika ay publiko (Wittgenstein, 1921) at walang karanasang eksklusibo lamang sa indibidwal. Kung kayat ang bawat karanasan ay nagtutulak sa tao na humanap ng salitang ipanlalapat dito. Kasing kahulugan ito na ang salitang ipinanlalapat ng tao sa isang penomena o karanasan ay nagaganap o nararanasan ng lahat na nabibilang sa isang pangkat o bansa. Posibleng ibuod ngayon na ang karanasan ng isa ay hindi pwedeng hindi kabahagi ng kamalayan ng isang grupo ng tao o bansa. Tama lamang pala si Chomsky nang sabihin nya na ang wika ay karanasan lamang.
Ngunit ang bawat salita ay hindi lamang salita. Ang wika ay bunsod ng mahabang ebolusyong pakikipagsapalaran ng tao. Ang pagkakabuo ng salita ay bunga ng simbolikong konsepto ay kailangang lagyan ng simbolikong tinig (Saussure 1959). Sa pagkakalapat ng tao ng salita sa konsepto, nasasaisip nya ang pilosopikal na katangian, tungkulin at naging tuwirang karanasan nya dito. Kaya sa tuwing gagamitin nya ang salitang ito upang kumatawan sa mental na representasyon ginagamit nya ang karanasan ng isang organisadong grupo ng tao na namumuhay tulad nya na may ganoon ding karanasan.
May kakayahahan ang taong kumalap ng karunungan at gamitin ito sa bawat pakikipag-ugnayang panlipunan (Joseph 2004: 3).
Sa ganitong konteksto, mahihiwatigan natin na napakahalaga ng wika upang pagbuklurin ang mga mamamayan at napagbubuklod ng wika ang mga mamamayan dahil ang wikang kanilang ginagamit ay kumakatawan sa kanilang magkakatulad na paraan ng pamumuhay, paniniwala, gawain o hanapbuhay, saloobin… mas angkop sabihin na karanasan. Nakikilala ng indibidwal ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-ugnayan at pakikipamuhay sa iisang pamayanan. Nalalaman nya ang kaibahan at pagkakatulad nya sa kanyang mga kasama. Alam nya na sya’y matanda na kung bata ang kanyang nakakausap, alam nya kung babae sya kapag nakakausap sya ng lalake, alam nyang mangingisda sya kung nakakausap nya ang kapwa mangingisda, alam nyang kabilang sya sa isang grupo ng mga tao kung nakakausap nya ang iba pang grupo ng mga tao. Ito rin ang paniniwala sa aklat na ”The Language Instinct ( How The Mind Creates Language):”
Ang komon na wika ay nag-uugnay sa mga kasapi ng isang pamayanan sa isang ugnayang pagbabahaginan ng impormasyon na may nakamamanghang kolektibong kapangyarihan. Sinuman ay maaring makinabang mula sa kanilang henyo, swerteng aksidente, at karunungan sa pagsubok-pagkabigo na naipon ng sinuman, kasalukyan o lumipas. At ang mga mamamayan ay maaring gumawa ng pangkatan, ang kanilang pagsusumikap ay pinag-uugnay ng kanilang napagkasunduan (Pinker 1994: 16).
Sa pakikipag-usap ng tao sa kanyang kapwa, wika ang nagiging daluyan ng mensahe. Ngunit hindi sapat ang kaalaman lamang sa balarila o istruktura ng wikang sangkot sa komunikasyon upang lubusang makuha ang mensahe. May mga kaisipan na hindi naririnig o nababasa ngunit nakasulat na sa isip ng mga nagsasalita o nakikinig dahil naiintidihan nila ang meta-mensahe. Bunga ito ng lubusang pagkaunawa ng nakikinig at nagsasalita sa likaw ng wika at komon na karanasang nagbubuklod sa nag-uusap. Halimbawa ay ang dalawang nag-uusap sa cellularphone:
A: Nasaan ka na? Kanina pa ko dito.
B: Nandyan na ako.
A: Gaano pa katagal?
B: Basta, dyan ka lang.
Kung gramatika lang ang pagbabatayan, sinumang mag-aaral ng wika ay magsasabi na wasto ang serye ng usapan. Ngunit walang lohika. Hinahanap ni A si B. Pero sa sagot ni B kung nasaan na ito, makakakapa natin na imposibleng mangyari ang sinasabi ni B sa tanong ni A. Dahil kung nandoon na si B, sana ay hindi na maghahanap si A o magpapahintay pa si B kay A. Pero dahil sa gagap nina A at B ang likaw ng wika, nagkakaunawaan na ang dalawa. Na paparating na si B at maghintay dapat si A.
Nilalarawan ng wika ang lipunan (mas dapat sigurong sabihing inaalingawngaw). Ang punto ay hindi lamang sa ipanakikita ng diin, talasalitaan at pangkalahatang istilo ng pagsasalita ng isang indibidwal, ngunit maging sa katayuan nito sa lipunan. Ang mga linggwistikong anyo, ang kanilang baryasyon at pagbabago ay nagsasabi rin sa atin tungkol sa kalidad ng kanilang kaugnayang panlipunan sa isang tiyak na kultura o kumpol ng mga kultura (Burke at Porter, eds: 1987, 11).
Sa halimbawang usapan sa itaas, lubos na magkakilala sina A at B dahil hindi maglalakas loob si B kay A na paghintayin ito at papaniwalain ni B si A na sya’y malapit na sa lugar ng kanilang tagpuan. Gusto rin naman paalalahanan ni A si B na matagal na itong naghihintay. Kung ganoon, naiintindan ng isa’t isa ang mga pre-eksistidong kundisyon at relasyon kung kayat nagagawa nilang bitawan ang mga gayong pananalita. Nagtiwala ang isa’t isa na makukuha ang mensahe kahit sa ganoong uri ng usapan.
Upang makarating ang impormasyon sa isip ng isang tagapakinig sa makatwirang sandali, maaari lamang maitipa ng tagapagsalita ang kapiraso ng mensahe sa mga salita at dapat umasa sa tagapakinig na punan ang iba pa (Pinker 1994: 81).
Ito ang mentalese na tinutukoy ni Pinker sa aklat nyang ”The Language Instinct (How The Mind Creates Language) :” Ang mentaleses ay ang haypotetkal na ”wika ng pag-iisip” o representasyon ng mga konsepto at mga proposisyon sa utak na kung saan nakahimlay ang mga ideya, kabilang ang mga kahulugan ng mga salita at pangungusap. Binabanggit nya na kumpara sa anumang wika, mas mayaman at mas simple sa ibang paraan ang mentalese. At ang pagkatuto ng wika, kung ganoon, ay ang pag-alam kung paano isasalin ang mentalese sa hibla ng mga salita at ang kabaligtaran nito.
Wikang Filipino:
Wika ng Karanasan ng Bansa
Ipinaliwanag ni Constantino (kina Peregrino et al, eds. 2002: 49-52) na ang pagkakaroon ng bokabularyong kumon, maging pagkakahawig kung hindi man magkakapareho sa mga wika sa Pilipinas ay magpapatunay na dumaan ang wikang Filipino sa isang mahabang proseso upang ganap na kumatawan sa karanasan nating lahat. Ang Filipino, bilang Pambasang Lingua Franca ay isang manipestasyon na kinakatawan nito ang mga wika sa Pilipinas.
Mahigpit na kabuhol ng buhay ang wika sa karanasan ng tao na parang napakahirap isiping mangyari ang buhay na wala nito (Pinker 1994: 17).
Kung kayat masasabing ang laman ng isip na isinawika ng bawat Filipino ay nagbabadya ito ng manipestasyon ng karanasan ng isang indibidwal na tatagos sa kamalayan at karanasan ng bansa. Ang salitang iyon ay hindi lamang kanya, kundi ay wika ng bayan. Ang karanasan nyang iyon ay hindi rin lang kanya, kundi, karanasan ng sambayanan.
Ang bawat kaisipang Pilipino, kulturang Pilipino at lipunang Pilipino ay bunga ng karanasang Pilipino. Ang salitang F/Pilipino ay tampok na pang-uri sa mga larangang kaisipan, kultura at lipunan. Mahalaga ang salitang Pilipino bilang pang-uri sa ating bansa at pagiging lahi (Covar kay Salazar 2004: 37).
Identidad at Wika:
Indibidwal, Etniko at Pambansang Kalakasan
Upang mapadali sa tao ang mabuhay laban sa iba’t ibang pwersang pangkapligiran, minabuti nyang makisama sa kanyang mga kauri. Magbuklod-buklod ang may magkakatulad na hilig, nais at paraan ng pamumuhay. Nalinang ang isang komon na wika na nagbubuklod sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanyang pakikipamuhay sa piling ng karamihan na halos katulad nya sa maraming aspekto, may nanatili sa indibidwal na tanging sya at sya lang ang nagmamay-ari: ang kanyang identidad. Ang indibidwal ay nagtataglay ng nilikha nyang reyalidad upang gamiting panukat sa sarili at sa labas ng kanyang reyalidad. Ito ang ginagamit nya upang maabot at umabot sa reyalidad at karanasan ng iba. Sa ganitong konteksto, ang indibidwal ay lumilikha ng kanyang identidad na sya nyang batayan sa pagmamalas sa sarili at sa iba.
Tatlong uri ng identidad (Joseph 2004: 6).
1. isa para sa tunay na tao at isa para sa likhang tauhan
2. isa para sa sarili at para sa iba
3. isa para sa mga indibidwal at isa para sa mga grupo
Nakikilala ng indibidwal ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagkilala ng iba. Nalalaman ng isang tao ang kaibahan nya kung may nakikita syang iba. Nababakas ng tao ang papel nya sa isang pangkat, grupo o etnolinggwistikong grupo kung nakikihalubilo o umiiwas sya dito. Kung kaya sa bawat pagkakataon, ang isang indibidwal ay may nakahandang identidad depende sa pagkakataon at lokasyon. Gaya ng tinutukoy ni Joseph na tatlong uri ng identidad, ang Filipino bilang mamayan ng bansa, kabilang sa etnolinggwistikong pangkat at indibidwal ay nagtataglay ng mga identidad.
Tinalakay ni Constantino (kina Peregrino et al, eds. 2002: 57) na ang mismong interaksyong nagaganap sa hanay ng mga nagsasalita (bagamat posibleng may baryasyon) ay isang anyo ng pagpapakilala sa kanyang katayuan sa lipunan na maaring indikasyon ng pakikiisa, pakikilahok, pakikipalagayang-loob, pakikisama o pananaig/pagiging iba nito. Patunay na ang wika ng isang indibidwal ay wika ng kanyang identidad. Gayundin maituturing ang pagsasalita ng isang pangkat-etniko sa kanyang katutubong wika, ipinakikilala lamang ng grupong ito kung sino sila sa lipunan o identidad bilang pangkat-etniko. At gayundin naman tayong mga Filipino sa pagsasalita ng Filipino o ng mga katutubong wika sa Pilipinas, isang repleksyon ng ating identidad bilang isang bansa. Sa pangungusap na, ”Ako si Juan, Bulakenyo, isang Filipino” ay nagpapakilala sa tatlong paraan:
1. Ang kanyang sarili bilang isang indibidwal, lumikha sya ng isang tunay na tao na umiiral na may identidad at ito ang nilikha nya upang makilala ng ibang tao. Kung ganoon, ang isang indibidwal ay malay na sa kanyang sarili kung paano sya gustong malasin ng kanyang sarili gayundin ng ibang tao. Sya bilang ’Juan’ ay produkto ng paglikha nya ng identidad. Sya ang lumikha ng idetidad na ’Juan.’
2. Ang kanyang pagkakakilala sa sarili at ang pagkakakilala sa kanya ng iba, ay ang pangmalas ng indibidwal sa kanyang sarili kung paano nya gustong makilala at ipakilala. Sa puntong ito, malay ang indibidwal sa kanyang identidad na pagkakasipat mula sa labas ng kanyang uniberso. Ito ang pagkakakilala nya kay ’Juan’ na kabilang sa isang etnolinggwistikong grupo o mamamayan ng isang bansa.
3. Para sa ibang tao o grupo ng mga tao na posibleng hindi nakakakilala sa kanya ay lumilikha rin ng identidad si Juan na isang Bulakenyo, na isang Filipino.
Walang pagtutol na ang bawat isa sa atin ay lumilikha ng kani-kanyang identidad o pagkakakilanlan. At ang identidad ay lubusan pang naipakikilala sa pamamagitan ng wika. Kung ang bawat etnolinggwistikong pangkat ay may kani-kanyang paraan ng pagsasalita kung paano ipinakikilala ang sarili, o grupong kinabibilangan, kasingkahulugan ito na ang bawat pangkat etniko ay lumilikha ng natatanging identidad kung paano sya gustong malasin o makilala ng iba pang pangkat o indibidwal. Ito ang pagkukuwento natin ng kasaysayan ng ating lahi. Na tayo’y binubuo ng mga pangkat etiniko na may natatanging kani-kanyang wika at identidad ngunit bumubuo pa rin sa iisang bansa.
Ang unang palagay, na ang ating pagkakakilanlan/identidad, panggrupo man o pang-indibidwal ay hindi ‘likas na katotohanan’ tungkol sa atin, ngunit mga bagay na ating nililikha—likha o kwento kung tutuusin (Jospeh 2004: 6).
Kayat natural na kahit saang sulok man ng daigdig, na nagtitipon-tipon ang mga Filipino sa iisang komunidad at nagtatag ng samahan tulad ng ”Filipino Community” ay totooong totoo pa rin ang penomena ng pagsasama-sama ng mga etnolinggwistikong pangkat tulad ng Filipino Waray Associations in Honolulu, Cabalens of Italy, El Caviteno of Germany at iba pa. Hindi dapat ito ituring na kahinaan, bagkus ay kalakasan pa dahil ipinakikita lamang nito ang likas na pagkauhaw ng mga Filipino sa pinagmulang ugat at pagpapakita at pagmamalaki ng identidad.
Ang wika ay nakagagawang magpalaki ng grupo nang hindi nasasayang ang oras para maghanap ng pagkain o ang pagbubuklod-panlipunan ng mga tao na kinakailangang upang tapatan ang anumang uri ng kahirapan. Dahil maaring masabi ang mensahe sa iba’t ibang tao nang minsanan na lang, mapapablis natin ang galaw para maayos ang iba… sa kabilang banda, ang wika ay napapakinabangn ng indibidwal upang makahanap ng kakampi o kasama (ibid: 27) .
Mabisang pantuhog ang Wikang Filipino upang bigkisin ang identidad ng mga mamamayan sa loob man at sa labas ng bansa dahil kung nagkakasama ang mga Filipino sa iisang lugar sa kabila na sila’y nabibilang sa iba’t ibang etnolinggwistikong pangkat, sinasalita na nila ang lingua franca na magbubuhol at mag-uugnay sa lahat. Ang Wikang Filipino. At dahil dito, nananatiling buhay, masigla at matatag ang identidad ng mga Filipino sa loob at labas man ng bansa dahil sa mayamang kultura na syang kabuhol ng wika. Tinalakay ni Zeus Salazar (2004: 65-70) ang kahalagahan ng matatag at buhay na kultura’t wika ng bawat etnolinggwistikong grupo sa Pilipinas dahil isa itong mabuting tanggulan ng pananaig ng isang maghaharing grupo.
Sa Pilpinas ay walang masasabing sentro ng kultura sapagkat ang sentro ng kultura ay nagbuhat sa mga pamayanang kultural na syang batis ng pambansang kultura. Ang pambansang kultura ay binubuo, sa kasalukuyan, ng iba’t ibang daloy at batis mula sa iba’t ibang pamayanan, kasama na rin dito ang mga elementong kultural na buhat sa kanyagang pamayanan (ibid 43).
Karanasan at Identidad:
Sagwan at Lunday sa Maalong Panahon
Hindi nakapagtataka na magawang lampasan ng mga Filipino ang iba’t ibang krisis ng ating panahon. Survivor daw ang mga Filipino. Mas angkop sigurong sabihing survivalist. Mababakas ito sa ating kasabihan.
1. Papunta ka pa lang, pauwi na ako. – pagpapaalala ng mga matatanda sa kanilang dinaan na kasalukuyan nating nararanasan
2. Marami ka pang bigas na kakainin.- marami pa tayong dapat maranasan
3. May gatas ka pa sa labi.- hindi pa husto ang wisyo o bata pa
4. Kalabaw lang ang tumatanda.- hindi pagsuko ng matatanda o di pagpapagapi sa katandaan
5. May asim pa.- pagpapakita ng positibong saloobin na pwede pang mapansin
6. Kung saan ka nadapa, doon ka bumangon- indikasyon na harapin ang pinagmulan ng problema at mula sa kinasadlakan, doon ay muling magsimula
7. Kung nakakakain ang pito, makakain ang walo- pagkakamada ng mapagkukunang yaman upang makatulong sa iba sa pamamagitan ng pagpaparaya
8. Pag maliit ang kumot, matutong mamaluktot- pinagkakasya, pinagtityagaan kung ano lang ang meron
Ilan pang indikasyon ng desperadong hangarin ng mga Filipinong mabuhay at manatiling lumalaban ay ang tulad ng: higpit ng sinturon, kapit sa patalim, kayod-marino, trabahong kalabaw, pasang-krus at marami pang iba. Makikita sa mga halimbawa kung anong uri ng mga mamamayan ang mga Filipino, matiisin, mapagpasensya, matulungin at iba pang mga katangian na minsan ay tila nanghihikayat sa pang-aabuso, pang-aapi o panlulupig. Ngunit, batay sa ating karanasan, mahaba ang pasensya ng mga Filipino ngunit natututo tayo sa karanasan. Lumalaban kung kinakailangan at magtanda. Gaya ng mga kasabihang, ”lintek lang ang walang ganti, may araw ka rin, maghahalo ang balat sa tinalupan, magtago ka na sa pinanggalingan mo, gyera patani, isama mo pa ang lelong mong panot”. At dahil sa impluwensya ng mass madia, naging bahagi na rin ng kasabihang Filipino ang ”hindi ka na sisikatan ng araw, isang bala ka lang, bukas… tatakpan ka ng dyaryo.”
Ang mga halimbawa sa itaas ay patunay na buo ang identidad ng mga Filipino bilang isang bansang kapwa mahinahon sa pagkagalit, matiisin ngunit masamang sinasagad sa galit. Ito marahil ang namamayaning ideolohiya ng mga Filipino. Kung kayat ang paglaya sa mga Kastila at Amerikano ay hindi madali ngunit naging makulay ang pagkakahiwalay, na dalawampung taon ng diktadurya at batas militar ang kinakailangan upang pumalag ang mga Filipino, at panggigigil ng mga Filipino nang hindi payagan ng labing-isang senador na hindi buksan ang sobre na may kinalaman sa Jose Villarde account bago pa tuluyang lumabas ng bahay at pumunta sa lansangan upang ipahayag ang pagkadismaya. Kayat tama si Fairclough (2001) nang sabihin nya na ang wika ay syang tagapagdala at nagsasalehitimo ng ideolohiya. Masasalamin sa Wikang Filipino ang identidad at karanasang dinaan ng ating kasaysayan.
… iginigiit ng maraming eksperto sa kasaysayan, sosyolohiya at politika na ang pag-iral ng pambansang wika ay ang pangunahing batayan na kung saan ang pambansang ideolohiya ay binuo… may iba naman na mas binigyang-diin na ang pambansang wika ay hindi talaga likas, ngunit nilikha ng mga mamamayan bilang bahagi ng tungkuling ideolohikal sa pagbubuo ng bansa (Joseph 2004: 94).
Ang Karanasan at Identidad
ng mga Filipino sa pagiging Multi-lingual
Isa sa nilutas ng wikang Filipino ay ang pagiging eksklusibo ng wikang pambansa sa mga Tagalog. Pinatunayan na ng maraming literatura, pag-aaral at pananaliksik na malaking bulto ng mga salita sa Pilipinas ay halos magkakatunog, magkakahawig sa anyo at may iisang kahulugan. Gayundin, kung maluwag ang pagtanggap ng Filipino sa mga hiram na salita, ano pa kaya sa mga katutubong wika sa Pilipinas? Sa katunayan, maaari pa ngang magamit ang mga katutubong salita sa Pilipinas bilang hanguan ng panapat o salin sa mga salita o konsepto na wala sa Tagalog. Nandyan ang gahum, tarong, lawas, danum at iba pa. Dahil mababang lugar o patag ang Rehiyong Tagalog, hindi nakakaranas ito ng ‘fog’ kung kayat walang salitang panumbas ang mga Tagalog sa fog. Hindi kasi ito bahagi ng karanasan ng mga Tagalog. Ngunit meron nito ang ibang etnolinggwistikong grupo na nakararanas ng nasabing penomenong fog. May ‘lina-a’w ang mga Ilokano. Pero kahit walang ‘fog’ sa Tagalog at may ‘lina-aw’ sa mga Ilokano, nagiging karanasan pa rin ng buong bansa ang karanasan ng mga Ilokano.
Tumatagos sa buong bansa ang pakbet, buro, kanin, danggit, inasal, tapuy, amok at lambanog. Tumatagos ang kultura, identidad at karanasan ng bawat etnolinggwistikong grupo sa buong bansa maging sa maraming parte ng daigdig dahil sa pananalita ng wika at kultura ng mga grupong ito. Samantala, may isang pambansang lingua franca na Filipino na napagbuklod ang mga grupong ito upang makabuo ng isang pambansang karanasan at identidad.
Mismong sa klasipikasyon ng karaniwang reyalidad ay magkakaugnay ang mga grupong etnolinggwistikong Pilipino… ibig sabihin, sa daigdig ng mga konsepto at ideya, malalim ang pagkakaugnay ng mga Pilipino sa loob ng Kalinangang Bayan (Salazar 2004: 68).
Konklusyon
Matagal nang tapos ang usapin ng pagiging maka-Tagalog lamang ang Filipino. Matagal na ring tapos ang usapin na walang kakayahan ang wikang Filipino na kumatawan sa iba’t ibang karanasan, identidad at kakanyahan ng bawat etnolinggwistikong grupo sa Pilipinas. Sa paggiging multi-linggwal na bansa ng Pilipinas pinaghati-hati sa mga isla at tubig, ang mga katutubong wika sa Pilipinas ay mainam na hanguan ng inspirasyon at repleksyon ng kakayahan ng mga Filipinong manatiling nakatayo at matatag sa kabila ng hindi birong hamon ng kasaysayan. Kailangan ng Cebuano ang Tosino’t longganisa ng Kapampangan, kailangan ng Hiligaynon ang pagka-oragon ng Bicol sa pamamagitan ng sili at gata nito, kailangan ng Tagalog ang pakbet ng Ilokano… sa loob man at sa labas ng bansa, sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang katutubong wika, may isang pambansang lingua franca na magtatagni at mag-uugnay ng magkakatulad na karanasan at identidad… ang Wikang Filipino.
Sanggunian:
Bawler, Peter J. 2003. Evolution, The History of an Idea. Third edition. Penguin. London.
Burke, Peter at Porter, Roy. 1987. The Social History of Language. Cambridge University Press. N.Y., USA.
Gripaldo, Rolando. 2000. Filipino Philosohpy (Traditional Approach, Part 1, Section 1)De La Salle University Press. Maynila, Pilipinas.
Hampden-Turner, Charles. 1981. Maps of the Mind (Charts and Concepts of the Mind and its Labyrinths). Collier Books, Mitchell Beazley Publishers, London, UK.
Jospeh, John E. 2004. Language and Identity (National, Ethnic, Religious) Palgrave Mc Millan. N.Y., USA.
Loring Brace,C.1995). 1995. The Stages of Human Evolution, Fifth Edition. Mc Millan. London, UK.
Peregrino, Jovy M. Et al eds. 2002. Minanga: Mga Babasahin sa Varayti at Varyasyon ng Filipino. Sentro ng Wikang Filipino. Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, Lunsod ng Quezon, Pilipinas.
Pinker, Steven.1994. The Languge Instinct (How The Mind Creates Language)William Morow and Company. NY, USA.
Pvek, Gary V. 1988. A Guide to the Mind. Educational Broadcasting Corporation, Praeger Publishers, NY, USA.
Salazar, Zeus ed. 2004. Sikolohiyang Panlipunan-at-Kalinangan: Panimulang Pagbabalalangkas ng Isang Larangan. Palimbagan ng Lahi. Lunsod ng Quezon, Piliinas.
Tarbuck, Lutgens. 2003. Earth Science, tenth edition. Mc Millan. London, UK.